Hindi bababa sa 80 katao ang inaresto ng mga kapulisan sa Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac nitong Huwebes, ika siyam ng Hunyo.
Ayon sa mga magsasakang Agrarian Reform Beneficiaries o ARBs, sila ay sama-samang nagbubungkal ng lupa upang taniman ng makakain sa lupang iginawad sa kanila sa bisa ng Comprehensive Agrarian Reform Law ni dating Pangulong Cory Aquino. Kasama ang mga tagasuporta mula sa iba’t-ibang sektor, sila ay nagsagawa ng isang payapang programa.
Dumating din ang ilang kinatawan ng lokal na opisina ng Department of Agrarian Reform upang patunayan na ang mga nagbubungkal ay ang mga lehitimong benepisyaryo ng CAR Program at mga nagmamay-ari ng lupa.
Ayon kay Angelo Suarez ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura, ay sa kabila ng pagpapatunay na ito ng mga kinatawan ng nasabing ahensya, ay binalewala lamang ito ng mga pulis.
“Pumunta iyong kinatawan ng lokal na tanggapan ng DAR, inuphold nila yung karapatan ng mga ARBs. Pero wala silang ginawa doon sa nangyayari kanina. Wala raw silang sabi sa kung ano ang gagawin ng mga pulis. Hugas kamay sila,” sabi ni Suarez sa isang phone interview.
Sa pahayag ng Kabataan Partylist, umaga pa lang umano ay pinagbantaan na ang grupo na huwag sakahin ang lupa nila. Makalipas ang ilang oras ay higit 100 pulis ang pumalibot sa mga kubol ng mga magsasaka at pilit na hinuhuli ang mga lider.
Dagdag pa ni Suarez, wala raw maayos na maisagot sa kanila ang mga kapulisan sa kung ano ang kaso o dahilan kung bakit sila dinadampot.
“Habang nira-round-up kami sa kubol ng magsasaka sa Tinang, tinanong namin iyong mga pulis kung anong kaso. Ang sagot lang, ‘huwag kayo magmarunong’, huwag daw silang turuan kung paano gawin ang trabaho nila,” ani Suarez.
“Sabi pa ng isang pulis, ‘mga NPA kayo’. Yung lider daw namin, si Joma, nagpapasarap lang sa ibang bansa,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, 87 katao ang inaresto kabilang ang mga menor de edad, mga magaaral na hindi pa rin pinapalaya. Iligal din di umano ang ginawang pagaresto sa kanila.
“Hindi ko matatawag na pag-aresto iyon e. Napakarahas ng ginawa ng mga pulis, walang [binasang] Miranda Rights, walang malinaw na paglatag kung para saan kami dinadampot,” paglalarawan ni Suarez kung paano sila hinuli.
Hindi rin umano maitutumbas ang police brutality na dinanas nila sa inaasahang kasong isasampa sa kanila kabilang na ang obstruction of justice at malicious mischief dahil umano sa paninira ng grupo sa mga nakatanim na tubo.
Naninindigan ang grupo na lehitimo ang isinagawa nilang pagbubungkal na naaayon umano sa Certificates of Land Ownership Awards (CLOA) na iginawad ng DAR noong 1995, at ang writ of execution na inilabas noong 2018 at 2019.
Itinuturing na ito ang pinakamalaking isahang ‘mass arrest’ sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Ang pag-aresto sa mga magsasaka at tagasuporta sa Hacienda Tinang ay nangyari sa bisperas ng ika-34 na anibersaryo ng CARP.
Iba’t ibang grupo na rin ang nagpahayag ng suporta at nanawagan ng pagpapalaya sa tinaguriang Tinang 87.
With reports from Emmanuel Relativo.